Paano tayo makakatulong sa pag-alaga sa ating planeta?
Matagal nang laganap ang ilegal na pagpuputol sa mga puno lalo na sa mga gubat. Tayo mismong mga naninirihan ang mga sumisira sa ating nag-iisang tirahan.
Hindi maiiwasan ang mga natural na kalamidad, pero mukhang resulta ito ng ating pagpapabaya sa kalikasan. Bagyo, pagguho ng lupa, baha, ikaw na ang magtuloy.
Ayon sa Partnership in Environmental Management for Seas in East Asia (PEMSEA), may pitong prinsipyong pangkalikasan na mahalagang maunawaan upang magkaroon tayo ng dahilan kung bakit kailangan nating pangalagaan ang ating kalikasan.
Isa na dyan ang katagang, “Everything is connected to everything else”. Magkakakonekta ang ating mga gawain sa mundo. Ang patuloy na pagsupil at walang kontrol na paggamit ng kalikasan ay nakakaapekto sa lahat ng nilalang.
Kinakailangan na palitan ang bawat puno na napuputol. Nararapat rin nating tandaan na kahit pa mayroong likas yamang maaaring mapalitan ng kalikasan, may iba pa ring hindi kayang palitan at nauubos.
Isang sacramental violation o paglabag ang Illegal Logging ayon kay Christian E. Daroni isang guro at ang guest speaker sa nakaraang webinar ng University of Saint Louis na pinamagatang Season of Creation: The Joy of Stewarding the Environment noong October 22, 2021.
Sa pahayag naman ni USL President Rev. Fr. Renillo H. Sta. Ana, CICM, sinabi niyang hindi natin kalaban ang kalikasan at hindi dapat natin ito atakihin.
“Nature is the source of cure, certainly somewhere out there is the cure,” aniya.
Ngayong pandemya, mahalaga ang ating pagkaka-isa upang malabanan ang sakit at matamo ang inaasam-asam nating paglaya sa COVID-19.
Nagmula sa ating kapaligiran ang ating mga kagamitan, marami nang naibigay ang kapaligiran sa atin. Hindi pa huli ang lahat, kaya pa nating malutas ang mga problemang ating kinakaharap. Oras na upang umaksyon at ayusin ang ating mga pagkakamaling nagawa. Kailangan na rin nating baguhin ang mga hindi magandang gawain sa kalikasan. (November 8, 2021)