Nakapasok na sa Philippine Area of Responsibility ang Super Typhoon Bising at inaasahang mas lalakas pa ito. Mag-ingat po tayong lahat. Huwag kalimutang magdasal at maging alerto.
Narito na naman tayo sa panibagong araw at blog post. Wala rin pong kuryente dito sa amin at naisipan kong magsulat ulit nito. Gumawa ako ng Survey at inaasahan ko ang mga resulta nito.
Maaari mo itong sagutan sa oras na matapos ko na itong gawin. Mayroon itong mga katanungan tungkol sa aking blog. Naisipan ko ring gumawa ng feedback form sa Google upang mas madali ninyong masabi ang inyong mga mensahe.
Nabasa kong itong Bagyo ay ang unang Super Typhoon sa taong ito. Nasa category 5 ang lakas. Ang International Name nito ay Surigae.
Update: Isang araw makalipas, unti-unting humihina ang Bagyo habang patuloy itong tumutungo sa bansa. Baka ito ay dadaan sa lungsod sa darating na Miyerkules, April 21, 2021.
Naghahanda na ang ilang pamilya rito para sa paparating sa Bagyo. Matagal tagal na ring umulan ng malakas dito sa Tuguegarao City. Kung ikaw ang nakatira rito, ramdam mo ang init sa umaga’t tanghali at ang biglang paglamig ng hangin sa gabi.
Bayanihan tungo sa Kaginhawaan
Narinig mo na ba ang mga kumakalat na Community Pantry sa mga iba’t ibang Barangay sa buong bansa? Nagsimula ito sa Maginhawa Community Pantry. Ginawa ito ng isang babae hanggang dumarami na ang mga gustong magbahagi ng donasyon.
Sumunod na rin ang ilang mga komunidad na magtayo ng sarili nilang pantry. Sabi nila, isa itong paraan ng pagtulong sa mga nangangailangan. Lahat ay pwedeng kumuha at magbigay.
“Kumuha base sa pangangailangan, Magbigay base sa kakayahan”, yan ang mensahe ng mga taong nasa likod nitong mga pantry.
“Hello! Community Pantry at Nancy’s Square (near SPUP, along Mabini St). If you know anyone who is in need please inform them about this pantry. Magbigay ayon sa kakayahan.
Kumuha ayon sa pangangailangan. Let us all help each other!” ani ni Ina Liban isang boluntaryo.
Sa lungsod ng Tuguegarao, mayroong mga Community Pantry sa mga Barangay ng Annafunan, Balzain East at Centro 1. Mga gulay, prutas, longganisa at itlog ang mga donasyon na ibinigay.